|
|
|
Hindi halata sa unang tingin pa lamang na ang Blizzard Café pala ay isa sa mga dakong madalas dinadalaw ng karamihan sa mga kabataan ngayon. Kung di lang sa banner na nakawagayway sa harapan ng pintuan nila, hindi mo talaga malalaman na ang Blizzard Café pala ay isang birtwal na kandungan ng kaalaman at tahanan ng mga kompyuter at laruang birtwal--isang Internet café.
Pintuan pa lamang ay umiiral na ang pamamaraan ng pamumuhay sa tinatawag na CyberAge. Kung may kustomer na ibig pumasok sa loob, pipindutin lamang ng Cyberguide ang switch na nasa loob at klik! pwede nang pumasok. Elektronik na kasi pati pinto--nawala na ang tradisyonal na doorknob.
Animo'y pumasok ka sa isang yungib. Kulang sa liwanag ang loob ng café. Tanging ang ilaw ng tatlong bumbilya at ang ilaw mula sa labinlimang monitor ng kompyuter ang nagbibigay tanglaw sa silid na kasinlaki lamang ng sala ng mga burgis.
Mga mag-aaral ang madalas pumupunta sa Blizzard. Marami ring mga yuppies ang gumagamit ng mga kompyuter dito. Sa mga panahong ganado ang takbo ng negosyo, makikita mo silang nakatitig sa monitor--kung hindi naglalaro ng Star Craft ay nakikipag-chika sa chat o di kaya'y nagsusulat at nagbabasa ng e-mail. Habang abalang-abala ang mga kustomer sa kanilang paglalaro o pagba-browse sa Internet, inu-obserbahan naman sila ng ibang mga kustomer na nag-aabang sa kanilang oras ng paggamit. Kung titingnan mo silang lahat ay para silang isang kilong sardinas na nagsisiksikan sa isang maliit na lata.
Lahat ng taong pumapasok sa Blizzard ay hindi mawawalan ng gagawin sa loob. Tumutulo na ang pawis ng isang estudyante dahil malapit nang mabura ng kalabang Zerg ang Terran Camp niya sa larong Brood Wars. Abot-tenga naman ang ngiti ng kolehiyalang nasa may pintuan dahil nag-I-love-you sa kanya ang nobyo niya sa IRC Chat. (Susko, napakaraming sinungaling sa IRC, Inday!) Muntik nang masira ng yuppy na nakaupo sa kabilang dulo ang keyboard dahil sa dami ng tina-type niyang e-mail. Ngiting pilyo naman ang nasa bibig ng binatilyong nasa pinakamadilim na sulok ng silid--nagba-browse siya ng mga JPEG graphics ng lalaking nakahubad na nakapatong sa babaing nakahubad (Eh, ano kaya ang ginagawa?). Ang mga nag-aabang naman ay panay lingon dito, lingon doon--naghahanap ng bakanteng kompyuter na pwede nilang gamitin.
Liban sa tili ni Madonna habang inaawit ang "Ray of Light" mula sa CD player, akalain mo'y binubutasan ang tenga mo sa lakas ng iba't ibang tunog mula sa mga speakers ng kompyuter o di kaya'y sa mga bibig ng mga kustomer. Nagra-ratatatat na ang mga baril ng Terran Marines ng estudyante. Bigla namang humiyaw ng malakas na "bullsh_t" ang kolehiyala dahil na-disconnect siya sa IRC. Isang masayang tunog naman ang lumalabas sa speakers ng kompyuter ng yuppy habang binabasa niya ang musical e-card na natanggap niya. Ngunit naka-"low" ang volume sa speakers ng binatilyo sa may madilim na sulok--upang hindi marinig ng katabi ang "Ah, ah, ah, uhm, uhm, uhm" ng pinapanood niyang X-rated na palabas sa Internet.
Kahit na ang layunin mo ay hindi gumamit ng kompyuter, maaaliw ka pa rin sa mga intelihente at aktibong Cyberguides nila. "Cyberguide" ang tawag sa kanila dahil sila ang hinihingan mo ng tulong kung sakaling nagkamali ka ng pagpindot sa mouse, o di kaya'y biglang huminto ang kompyuter mo, o di kaya'y may payo kang ibig malaman tungkol sa paggamit ng kompyuter. Kung marami kang mapupulot na aral mula sa Internet, siguradong mas marami kang makakamkam mula kay Marc, Vicky, Oliver, Francis at Rico.
Sa kanilang lima, ang nakakatunaw-tingin na si Marc at ang mapagbirong Francis ang may hilig sa pilosopiya. Sila ang mga tipong higit na naaaliw sa mga usapang pilosopikal kaysa sa paglalaro ng Brood Wars. Bihira ang tulad nilang tumutulong sa mga sumasangguni sa kanila, hindi lang ukol sa kompyuter kundi pati na rin sa paglutas ng mga suliranin sa buhay at pakikipagkapwa-tao. Nariyan din si Vicky na nilalanggam ang boses sa katamisan at ang mala-Jackie Chan na si Oliver. Tulad nina Marc at Francis, mga halimbawa sila ng kasipagan at mabuting pakikisama. Nariyan din si Rico, ang may-ari ng Blizzard Café. Kung di mo pa alam na siya pala ang may-ari ng café, mapagkakamalan mo siyang technician lang sa café dahil siya mismo ang nagsi-setup ng mga bagong kompyuter at nag-aayos ng mga sirang kompyuter. Kahit si Rico ang kinikilalang may-ari ng café, lima silang lahat ang epektibong nagpapatakbo nito at pumupuno sa cash box nila.
Hindi nga halata na ang Blizzard Café ay tahanan ng imahinasyon, aliw, kaalaman at kompyuter. Lingid sa kaalaman ng marami, ang Blizzard Café ay kandungan din ng mga taong may puso, mapagmahal at seryoso sa paghahanap-buhay. Ito ang tunay na nagbibigay-aliw sa mga kustomer na tulad kong hindi pumupunta roon upang mag-chat sa IRC. Sabi nga, minsan mong natikman at natagpuang masarap, muli mong babalik-balikan at hahanap-hanapin. Alam ko. Ganyan ang nangyari sa akin sa Blizzard, eh.